  Kung naligaw kayo dito at nagbabakasakaling may mahanap na makabuluhang bagay para basahin, ikinalulungkot ko na ibahagi sa inyo na blog ko ang nadatnan nyo. Wala akong analysis ng relevant issues dito (at least sa ngayon). Hindi ko alam kung ilang percent na ang nabibilang ng Comelec at kung ilang beses nang inakusahan na may kinikilingan ang NAMFREL. Dito, sa blog entry kong ito, ang bida ay ang S-hook. Ulitin ko sa inyo: S-hook . Hindi L-hook, hindi cup-hook.
Kundi S-hook. Sabay-sabayin nating bigkasin: "S-HOOK" . Nag-umpisa kasi yang kwento na yan nung nawala ang metal trash bin namin sa harap ng bahay. Ang sagwa, noh? Lalagyan lang ng basura, mawawala pa. Hindi namin alam kung may kumuha nito o tinapon na rin ng mga humahakot ng basura. Ipinapasalangit na lang namin.
Anyway, nung nawala yun, sinasabit na lang namin sa gate yung supot ng basura namin, gaya ng ginagawa ng iba naming kapitbahay. Tuwing alas singko ng hapon at dadaan na ang garbage truck, kukunin na lang ng mga basurero yung sa mga supot sa pinagsabitan at iitsa na lang nila ang mga ito sa trak. Maliban na lang dun sa mag-asawa sa kanto kasi nagtitinda sila ng banana-q at marami silang tinatapon na balat ng saging araw-araw. Kaya isang drum na metal ang basurahan nila. Hindi pwedeng isabit. Ang problema, ganito.
Ang gate namin ay walang decorative curls tulad nung sa mga nakakarami. Yung mga tipong paalon-alon na disenyo na makikita sa mga grills. Ang pagkakayari nung sa amin, puro horizontal and vertical bars. So maliban na lang sa isang maliit na corner kung saan ito nila-lock, walang ibang pwedeng pagsabitan ang supot. Eto naman ang problema sa ganito. Masyadong mababa ang pinagsasabitan nito.
At kayang-kaya siyang abutin ni Stray Dog. "Stray Dog" ay ang pansamantala kong ipinangalan sa maliit na asong gumagala sa kalye namin. Light gray ang kulay ni Stray Dog. Teka. Baka puti sya na madumi lang. Pandak syang aso.
Kung sa sasakyan pa, "lowered" . Kapag nakikita ko sya - eto, pwera biro - binabati ko sya ng, "Hello, Stray Dog. " Minsan, hindi ko napansin na may matandang aleng nakatayo nung isang beses na kinausap ko si Stray Dog. Ang sama ng tingin sa akin nung ale, para akong baliw. Eh, alangan namin bawiin ko pa? Dedma na lang ako at umasta na hindi pambihira para sa akin na kausapin ang mga ligaw na aso.
Wala, parang natural lang. Asan na ba ako? Yun na nga. Kayang abutin ni Stray Dog yung pinagsasabitan namin ng supot kaya pag walang nakakakita sa kanya, kinukutkot nya ang plastic at nahuhulog ang mga laman nito. Pag umaga, nagugulat na lang kami na puno ng kalat ang harapan namin. Mga cellophane, mga pira-pirasong papel at kung anu-ano pang kalat na nanggaling sa binutas na supot ni Stray Dog.
Katakot-takot na wawalisin ang iniiwan ni Stray Dog. Dagdag trabaho. Magdidilig pa ng halaman, magsasampay ng damit, magpupunas ng alikabok, magma-mop, etcetera etcetera... tapos wawalisin ko pa ang kalat ni Stray Dog? Dapat masolusyonan. So, ang naisip kong lunas sa lahat ng ito: S-HOOK. Sa taglay niyang hugis, maari kong isabit ang isang dulo ng S-hook sa isa sa mga horizontal bar ng gate namin (dun sa medyo mataas-taas), tapos, yung kabila naman, pwede isabit ang lalagyan ng basura.
Hindi na siya maaabot ni Stray Dog. Ang galing, di ba? Elegant solution. Parang Quicksort , na laging ine-example ng prof ko noon. So kaninang umaga, may misyon ako. Bumili ng S-hook.
Ang di ko inakala, mas malaking misyon pala ang hanapin ito. Sa unang hardware na pinuntahan ko, wala daw silang ganon. Sa pangalawa, medyo nahilo ako sa tinanungan ko. Excerpt ng conversation namin: saleslady : Ha? ako : S-hook. saleslady : Ha?
ako : S-hook. saleslady : Ha? ako : S-hook, Miss. ES. HOOK. Saka niya lang ako naintindihan.
Wala daw silang ganon. Haaay. Dun sa mga sumunod naman, laging ibinibigay o ipinapakita sa akin ay cup-hook or L-hook kahit na emote na emote na ako sa pagkukumpas ng daliri ko para magdrowing ng letter "S" sa hangin. Sabi pa nung isang Tsinoy na pinagtanungan ko, baka pwede na daw ba yung cup-hook sa paggagamitan ko. Pwede ba? Mas alam pa ba sa akin kung ano ang pwede at kung ano yung hindi?
Kung pwede ang cup-hook, edi kanina pa ako bumili ng isa sa mga dose-dosenang cup-hooks na pinaggigiitan sa mukha ko. Yung isa naman, pagkatapos ko syang tanungan kung nasaan ang mga S-hooks nila, tinuro ako sa ibang counter. Pagdating ko naman doon, puro sinulid, karayom, at gamit sa pananahi lahat ang nakadisplay. Naisip ko tuloy na baka ako ang may problema. Natanong ko sa sarili ko, "Bulol ba ako? " Ibang klase pala ang enlightenment na naidudulot ng paghahanap ng S-hook.
Nagiging reflective ako sa sarili kong mga pagkukulang. Pinakapaborito ko nga pala sa lahat ng tinanungan ko ay yung nakasimangot na babae na parang walang kaligayahan na nalasap sa buhay. Isang beses lang ako nagtanong, tapos, without looking up from the notebook na sinusulatan niya, sumagot siya ng: "Wala. Cup-hook, L-hook lang. " Edi walang paliguy-ligoy. Tapos ang kwento.
Sa madaling salita, sa dinami-dami ng pinuntahan kong hardware, bigo ang hangarin kong makabili ng S-hook. Pero, may naisip akong pansamantalang solusyon: curtain hook. Mas maliit ito pero the same concept applies. Walang kwentang usapan. Punta na lang kayo urlLink dito para may katuturan naman ang masagap nyo. 
